Friday, June 18, 2010

Tent

Kahapon, pumunta akong school para kunin ang mga pinaphotocopy ko sa may mendiola. Galing ng Legarda station, dumaan ako sa gilid ng estero. Ang taas ng tirik ng araw, tagaktak ang pawis ko.

Nung nakuha ko na ang readings ko. Bumalik na ako sa Legarda train station. Kailangan ko ulit dumaan sa "parehong" gilid ng estero na dinaanan ko nung pumunta ako ng mendiola.

Lahat ng estudyante doon dumadaan. Mabaho ang maitim na tubig ng estero na nilagyan lang ng railings. Ang daanan ay kasing lapad lamang ng isang masikip na eskinita. Sa kabilang  banda, may construction na nagaganap, may tinatayo na isang maliit ng gusali. Nagmamartilyo, naghihinang at nagkakabit ng mga bakal ang mga karipintero. Maingay, magulo, mabaho, busying busy ang daanan na ito, na sinasabayan pa ang tindi ng sikat ng araw.

Nung malapit na ako sa istasyong ng train, meron akong nakitang tent na bahagyang natatakpan ng tarpaulin. Meron isang ale na kumakain ng tuyo sa gilid. Naaninag ko din na mayroong maliit na podium. Sa podium na yon, merong mga deck ng  braha, meron din parang notebook. Tumingin tingin pa ako, at nakita ko na merong ding kandila at cardboard na box na may nakasulat na "donation". Tumingin-tingin pa ako at saka ko lang nadiskubre kung ano talaga ang nasa loob ng tent.

Kabaong.

Bilad sa init ng araw na sumisingaw sa loob ng tent ang puting kabaong na ito. Walang halos nagbabantay. Nakaratay sa gilid ng estero, at halos sa tabi ng isang construction site. Nadadaan-daanan lang ng mga estudyante at ng iba pang mga tao na tila wala naman pakialam, at kung may pakialam man, hindi naman nila alam kung anong gagawain nila.

Pumasok ako sa tent. Hindi ako napansin ng ale. Tumayo ako sa harap ng kabaong at nakita ko ang bangkay ng isang babae.

Ipinagdasal ko siya.

Kinapa ko ang bulsa ko kung meron pa akong natitirang pera. Hinulog ko nalang ito sa donation box.

Nung ako ay paalis na, saka palang ako napansin ng ale na kumakain ng tuyo na nadoon pala ako. Tila yata nagulat siya na matagal na ako nandoon. "Salamat." Sabi niya.


"Nakikiramay po."- yon na lamang ang nasabi ko habang papalabas ng tent.

4 comments:

  1. nakungkot ako sa kinuwento mo...nakakalungkot na wala man lang nakikiramay sa pagkamatay nya...=(

    ReplyDelete
  2. You just stared misery in the face. Parang eksena out of an indie film...

    ReplyDelete
  3. Waaaah! Saklap nun. Buti naman nakiramay ka! :)

    ReplyDelete
  4. u have a good heart! with out knowing hus in that box. God Bless you!

    ReplyDelete